Usapang Buwis

No comment yet
Sa dinami-dami ng bayarin at gastusin, laging maririnig na dumadaing ang mga Pilipino kapag tumaas ang presyo ng mga bilihin at pamasahe pero ang sahod hindi naman tumataas. Pero kung babawasan kaya ang buwis sa mga produkto at serbisyo, makakatulong kaya sa pagbaba ng presyo? Kung wala namang buwis saan kukuha ng pondo ang pamahalaan para sa gastusin sa bansa? Kung ikaw ang papipiliin, aling buwis ang gusto mong manatili, bawasan, palitan o alisin?


Sana alisin na ang buwis sa sahod (Naku, hindi ko alam ang Tagalog ng withholding tax. Alam n'yo ba?). Pandagdag din sa pamasahe at pang-araw-araw na gastos kapag pumapasok sa trabaho. Bakit nga ba ang SSS, PhilHealth, HDMF, at depende sa "civil status" ang ibinabawas sa buwanang sahod lang ang hindi kasali sa bubuwisan? Maari kayang isama dito ang pamasahe, bayad sa kuryente, tubig, telepono, at renta sa bahay o amilyar? Ang mga may-ari ba ng negosyo or ang tinatawag nating "employer" paano ba sila nagkakalkula ng buwis na babayaran? Ibinabawas ba nila ang buwanang bayarin sa renta sa "unit," kuryente, tubig, at telepono, at sahod at benepisyo ng mga empleyado? Kung ganyan, malaki-laki din ang natitipid nila sa buwis, habang kumikita pa rin sila ng malaki (para sa malalaki at may magandang estado na kumpanya).

Madami naman klase ng buwis at binabayaran sa gobyerno. Hindi man ako experto sa buwis, pero alam ko na dito kumukuha ang pamahalaan sa pambansang gastusin (na ang kadalasan sa utang at pagtugon sa kahirapan napupunta nguni't hindi pa rin sumasapat dahil sa napakalaking gastusin sa kanila). At alam ko din na marami ang pinagkukunan nito. Bukod sa buwis mayroon din tayong binabayaran kapag kailangan kumuha ng NBI o Police Clearance, lisensya, kopya ng Birth Certificate, at kung anu-ano pang dokumento na kailangan ng mamamayan sa pamahalaan.

Bakit sa dinami-dami nitong buwis, hindi pa rin sapat ang lahat? Kung talagang mahirap ang Pilipinas, bakit mayroong mayayaman? Makabalik nga sa usapin ng buwis. Ngayon nga, nanawagan ang pamahalaan sa mga manggagawa tulad ng doktor, abogado, o yung mga parang "independent workers" o "freelance" na tinatawag na magbayad ng tamang buwis. Ano ba'ng masasabi ko? Paano ba ang proseso sa pagbabayad ng buwis, magkano ang dapat na sahod bago masabing kasali sa buwis, at alin lang ang kasama sa bubuwisan kapag "freelance"?

Ako lang siguro ang hindi alam ang proseso. Pero kung hindi lang ako, ano ba'ng hakbang ang ginagawa ng pamahalaan upang mabigyan ng tama at malinaw na impormasyon sa buwis.

Kaya din nais ko na ang "income" o "withholding" tax ang bawasan o alisin kasi sa sahod lamang ng manggagawa kumukuha nang panggastos sa pagkain, tahanan, damit, pamasahe, pambayad sa kuryente at tubig, edukasyon, at kung anu-ano pang gastusin sa pang-araw araw na pangangailangan. Kung bago mo pa lang makuha ang sahod may buwis na, puro buwis na tayo parang labis-labis naman na.

Saka isa pa, kung wala namang income tax maaari pa din namang mapunta sa pagtulong sa paglikom ng pondo ng pamahalaan. Siyempre madadagdagan ang panggastos ng bawa't mamamayan. At saan pa di'ba? Kundi sa mga produkto at serbisyo na may buwis na din.

Kung tutuusin ang mga "consumer" nagbabayad ng tatlong beses sa bawa't produkto at serbisyo. Una, may buwis na binabayaran sa pagkuha ng "raw materials" na isasama sa pagkalkula ng presyo sa merkado. Pagkatapos ang mga kumpanya na bumili ng "raw materials" nakailang buwis sa bawa't materyales na ito at bukod pa dun may iba pa'ng buwis na binabayaran na s'ya naman din isasama sa presyo ng produkto at serbisyo na kailangan ng mga "consumer." Kaya naman kapag kailangan ng bumili, lobo na ang presyo.

Sa kuryente at tubig na lang (dahil isa itong pribado) maraming kung anu-ano'ng kasali sa binabayaran ng bawa't tahanan na gumagamit nito. Di'ba kapag nagsasabi na tataas ang singil sa kuryente, nand'yan yung sinasabing kasi may utang na dapat bayaran kaya kailangan nila magtaas. Naman, ibig sabihin kasalanan ng "consumer"? Naisip ko lang. Kung titignan natin isa na rin sa pangunahing pangangailangan ang kuryente at tubig kaya naman kahit mahal hindi pwede'ng mawala.

Naisip ko tuloy sana ang kuryente at tubig nasa pamamahala ng pamahalaan para naman umiikot sa bansa ang binabayaran ng bawa't tahanan. Hindi parang serbisyo na kailangang tangkilikin. Para may iba pa ding pagkukunan ng pondo ang Pilipinas.

Kung minsan, nakakapanlumong isipin na ang matitinong Pilipino na sumusunod sa batas, nagbabayad ng buwis, sila pa yung naaagrabyado. Hindi naman kasi nila nararamdaman ang mga kontribusyon nila sa pondo ng bansa. Hindi naman sila ang natutulungan at kung minsan makikita pa nila na ang napupuntahan ng buwis na pinabayaran nila, hindi napapakinabangan ng tama at maayos.

Kayo, ano ang opinyon ninyo ukol sa buwis natin?

Post a Comment