Gawing Setyembre ang Umpisa ng Taon sa Paaralan

No comment yet
Ilang taon na ba nating naririnig ang panukalang gawing Setyembre ang umpisa ng klase dito sa atin? Maraming taon na ang nakalipas at lagi itong nabubuhay sa panahon ng tag-ulan. Kasi nga naman madalas ang suspensyon ng klase. Nakakalito ba kung may pasok o wala? Oo naman.

Pero ano ba talaga ang dahilan bakit may ganitong ideya? Dahil lang ba sa tag-ulan na panahon sa Pilipinas o may iba pang dahilan?

Kung titignan natin ang mabuti at hindi magandang maidudulot, unahin na natin ang mabuting maidudulot (paalala, isa lamang ito sariling opinyon). Una, maiiwasan ang pagkalito kung may pasok o wala. Makukumpleto nito ang bilang ng pasok sa taon. Pangalawa, maiiwasan na mahirapan ang mga mag-aaral na sumugod sa ulan at lumusong sa baha para lang makapagsok sa klase. Pangatlo, teka wala pa akong maisip.

Ano ba ang hindi magandang maidudulot ng Setyembre-Mayo na pasukan sa paaralan? Isantabi na natin ang panahon para makapagbakasyon, makalangoy sa dagat o sa "pool" kapag Abril at Mayo. Ang importanteng pag-usapan ang pag-aaral at paghubog sa kaisipan at talento ng mga mag-aaral.

Unang-una na ang pagtama sa tag-init na panahon kapag inilipat ang pagsisimula ng klase sa buwan ng Setyembre. Kung ngayon nga lang, hirap na ang mga mag-aaral sa silid-aralan dahil siksikan at mainit, paano pa kaya kung tag-init. Sa madaling salita, hindi lahat ng silid-aralan mayroong "air condition." Ilang mag-aaral sa pampublikong paaralan ang papahirapan tuwing may klase sa panahon ng tag-init. Alam naman natin na nakakaapekto ang temperatura sa kilos o ugali ng mag-aaral pati na rin ang mga guro. Palagay ko hindi magiging kaganado sa klase dahil kailangan punasin ang pawis maya't maya o iritable ang mag-aaral. Isa pa, baka laging mainit ang ulo ng mga guro. Kailangan uminom ng maraming-marami tubig upang maiwasan ang "heat stroke"

Kung ang problema ang bilang ng klase, halos pareho lang naman siguro. Kung Setyembre ang umpisa ng klase, tatamaan ng Araw ng mga Patay, Pasko, at Bagong Taon sa una at ikalawang markahan. Mahal na Araw at Araw ng Manggagawa naman sa mga buwan ng Abril at Mayo sa huling markahan ng taon sa paaralan. Sa kasalukuyan, karaniwang hindi natatamaan ang Araw ng Kalayaan dahilan sa nagsisimula ang ibang paaralan pagkatapos na nito. Nagiging problema ang pagdating ng bagyo sa buwan ng Hulyo at Agosto. Pero hindi naman natin alam kung kailan talaga ito dumarating, kung malakas ba ang hangin at ulan, kung mataas ba ang baha o hindi.

Sa buwan ng Agosto, ipinagdiriwang ang Buwan ng Wika. Kadalasan nagkakaroon ng pagtatanghal o gawain sa paaralan para mapagyaman ang ating wika. Bagama't dapat naman talaga nating pinagyayaman ang ating wika araw-araw, nakakatulong ang programa sa paaralan upang mapagyaman ito.

Kung sakali bang ilipat ng Setyembre ang klase, masosolusyonan ba nito ang baha? Maiiwasan ba na gamitin ang mga paaralan bilang "evacuation center?" Mas tataas kaya ang kalidad ng edukasyon o ang grado ng mga mag-aaral?

Samahan n'yo po akong talakayin ang isyu na ito. Paalala gamitin lamang po ang wikang Filipino, tagalog man o iba pang dialekto. Maraming salamat.

Post a Comment