Trapik Dito, Trapik Doon

No comment yet


Simple at ordinaryong manunulat, 32 anyos, ValenzuelaƱos, sumasakay ng bus. Simula nang lumipat ako ng trabaho, mula sa pagiging home-based, nung Mayo limang beses sa isang linggo ako nakakadaan sa kahabaan ng MacArthur Highway at EDSA. Kailangan ko gumising ng maaga para makarating ng ala-siete ng umaga sa opisina, nguni’t madalas akong bigo. Kung oorasan ko maaari namang isang oras lang ang biyahe ko mula sa amin patungo sa opisina ko.

Kaya lang dahil nga naghahanap-buhay ang kapwa natin na konduktor at bus driver (ano’ng tagalog ng bus driver? tagapagmaneho ng bus? Paumanhin.), humahakot sila ng pagkarami-raming pasahero na tipong halos lahat na lang nang nag-aabang ng masasakyan hihintuan. Swerte kapag nakasakay ako sa bus na hindi lahat ng kanto para sa driver ... bus stop.

Samu’t saring kwentuhan at tawanan ang naririnig ko sa iba’t ibang tao na nakakasakay ko. Habang nagbabasa ako ng libro, minsan mariringgan mo ang pag-uusap ng iba. Hindi naman dahil sa nakikinig ako, malakas lang talaga sila mag-usap. Tuwing mabagal ang daloy ng trapiko o kaya naman halos higit sa 10 minuto bago umandar ang mga sasakyan, sigurado may mag-uusap tungkol sa trapiko at pag-asenso ng Pilipinas. Sa isip-isip ko, halos pare-pareho ang hinaing at marami palang pareho ang iniisip tungkol sa sistema ng transportasyon sa ating bansa.

Kamakailan lamang nagbabalak pala baguhin ng MMDA ang number scheme at naging viral sa Facebook ang isang litrato na nagpapakita na tatlong bus ang naging sanhi ng pagkakaroon ng mabigat ng daloy ng trapiko sa EDSA. Hindi sila nasiraan, nakahinto sila na marahil magsasakay o magbaba, pero hindi sa bus stop. Minsan maririnig mo ang driver sasabihin sa’yo, “Bawal po magbaba dito. Doon na lang po tayo sa bus stop.” Kaso may sasakay, hihintuan n’ya. Ganu’n pala para makababa ka. Pero, pero hindi ko ibig sabihin na mamilit ka bumaba sa hindi tamang babaan. Naku, heto pa, minsan sa gitna ng kalsada ka ibaba, “’Yung mga baba sa xxxx, baba na kayo dito habang traffic.” Nga naman para kapag nagberde na ang traffic light, aarangkada na.

Balik tayo sa mga kapwa ko pasahero, kahapon narinig ko sabi ng isang lalake, “Kaya walang asenso ang Pilipinas eh,” dahil yan sa daloy ng trapiko. Ano nga ba ang solusyon para naman hindi tayo matagal nakaupo sa bus, isali na natin ang jeep at lahat ng pampublikong sasakyan, at para naman mas marami kang magawa sa isang araw bukod sa pag-upo sa sasakyan? Bakit nga ba kailangan punuin ang bus na para ng lata ng sardinas tuwing rush hour? Bakit ang tagal huminto ng mga bus sa bus stop? Bakit iba-iba ang pamasahe sa bus? (Pasensya na hindi na kasali sa topic pero may koneksyon naman sa bus, hehe.)

Usapang Buwis

No comment yet
Sa dinami-dami ng bayarin at gastusin, laging maririnig na dumadaing ang mga Pilipino kapag tumaas ang presyo ng mga bilihin at pamasahe pero ang sahod hindi naman tumataas. Pero kung babawasan kaya ang buwis sa mga produkto at serbisyo, makakatulong kaya sa pagbaba ng presyo? Kung wala namang buwis saan kukuha ng pondo ang pamahalaan para sa gastusin sa bansa? Kung ikaw ang papipiliin, aling buwis ang gusto mong manatili, bawasan, palitan o alisin?

Gawing Setyembre ang Umpisa ng Taon sa Paaralan

No comment yet
Ilang taon na ba nating naririnig ang panukalang gawing Setyembre ang umpisa ng klase dito sa atin? Maraming taon na ang nakalipas at lagi itong nabubuhay sa panahon ng tag-ulan. Kasi nga naman madalas ang suspensyon ng klase. Nakakalito ba kung may pasok o wala? Oo naman.