Trapik Dito, Trapik Doon
Labels:
bus,
Pilipinas,
transportasyon,
trapiko
✪
No comment yet
Simple at ordinaryong manunulat, 32 anyos, Valenzuelaños,
sumasakay ng bus. Simula nang lumipat ako ng trabaho, mula sa pagiging
home-based, nung Mayo limang beses sa isang linggo ako nakakadaan sa kahabaan
ng MacArthur Highway at EDSA. Kailangan ko gumising ng maaga para makarating ng
ala-siete ng umaga sa opisina, nguni’t madalas akong bigo. Kung oorasan ko maaari
namang isang oras lang ang biyahe ko mula sa amin patungo sa opisina ko.
Kaya lang dahil nga naghahanap-buhay ang kapwa natin na
konduktor at bus driver (ano’ng tagalog ng bus driver? tagapagmaneho ng bus? Paumanhin.), humahakot
sila ng pagkarami-raming pasahero na tipong halos lahat na lang nang nag-aabang
ng masasakyan hihintuan. Swerte kapag nakasakay ako sa bus na hindi lahat ng
kanto para sa driver ... bus stop.
Samu’t saring kwentuhan at tawanan ang naririnig ko sa iba’t
ibang tao na nakakasakay ko. Habang nagbabasa ako ng libro, minsan mariringgan
mo ang pag-uusap ng iba. Hindi naman dahil sa nakikinig ako, malakas lang
talaga sila mag-usap. Tuwing mabagal ang daloy ng trapiko o kaya naman halos
higit sa 10 minuto bago umandar ang mga sasakyan, sigurado may mag-uusap
tungkol sa trapiko at pag-asenso ng Pilipinas. Sa isip-isip ko, halos
pare-pareho ang hinaing at marami palang pareho ang iniisip tungkol sa sistema
ng transportasyon sa ating bansa.
Kamakailan lamang nagbabalak pala baguhin ng MMDA ang number
scheme at naging viral sa Facebook ang isang litrato na nagpapakita na tatlong
bus ang naging sanhi ng pagkakaroon ng mabigat ng daloy ng trapiko sa EDSA. Hindi sila
nasiraan, nakahinto sila na marahil magsasakay o magbaba, pero hindi sa bus
stop. Minsan maririnig mo ang driver sasabihin sa’yo, “Bawal po magbaba dito.
Doon na lang po tayo sa bus stop.” Kaso may sasakay, hihintuan n’ya. Ganu’n
pala para makababa ka. Pero, pero hindi ko ibig sabihin na mamilit ka bumaba sa
hindi tamang babaan. Naku, heto pa, minsan sa gitna ng kalsada ka ibaba, “’Yung
mga baba sa xxxx, baba na kayo dito habang traffic.” Nga naman para kapag
nagberde na ang traffic light, aarangkada na.
Balik tayo sa mga kapwa ko pasahero, kahapon narinig ko sabi
ng isang lalake, “Kaya walang asenso ang Pilipinas eh,” dahil yan sa daloy ng
trapiko. Ano nga ba ang solusyon para naman hindi tayo matagal nakaupo sa bus,
isali na natin ang jeep at lahat ng pampublikong sasakyan, at para naman mas
marami kang magawa sa isang araw bukod sa pag-upo sa sasakyan? Bakit nga ba
kailangan punuin ang bus na para ng lata ng sardinas tuwing rush hour? Bakit ang tagal huminto ng mga bus
sa bus stop? Bakit iba-iba ang pamasahe sa bus? (Pasensya na hindi na kasali sa
topic pero may koneksyon naman sa bus, hehe.)